Tuesday, December 21, 2010

Bersing, Bersing!


Malapit na naman ang pagtatapos ng taon at siyempre malapit na naman ang pagdating ng bagong taon. Teka, malapit na rin pala ang pasko... tsk tsk... makakalimutan ba?

Tandang-tanda ko pa noong ako'y bata pa (matanda na kasi eh, hehehe) tuwing sumasapit ang pasko ay pinaghahandaan ko ng husto ang pangangaroling upang magkaroon ng pera. Sa araw, kasama ko ang mga nakakabatang mga kaibigan, ay nagplaplano na kami kung anong oras kami magsisimulang mangaroling sa mga bahay-bahay. Pinag-uusapan din namin kung sino ang magiging leader, kung sino-sino ang mga mauunang kakanta, kung sino ang tatanggap ng pera at kung sino ang treasurer. Kadalasan ako ang treasurer dahil ayaw kong kumanta, sintunado eh, hahaha! Siyempre ayaw din nila akong pakantahin (sintunado nga) kaya ginagawa na lang nila akong taga-bilang ng pera na karamihan ay barya; di lang mabigat sa bulsa maingay din pag naglalakad o pag napapatakbo.

Bago lulubog ang araw ay naghahanda na kami sa mga gagamitin namin; humihingi sa kapitbahay na may tindahan ng mga tansan, pinipitpit ang mga 'to, bubutasan sa gitna at sinusuutan ng alambre, ayun na may home-made tambourine na kami; ang tambol naman namin eh galon o kaya'y malalaking lata ng gatas na natakpan ng plastik; di kami gumagamit ng gitara, bukod sa walang marunong sa amin eh mabigat pa.

Gabi na.

Eksayted.

Lagi din naming pinagdarasal na sana malaki ang ibibigay ng mga may-ari ng bahay na pupuntahan namin; OK na OK na yung lima o sampung piso.

Palagi naming sinisimulan sa mga may malalaking bahay, buena mano, may teorya nga kami na pag malaking bahay eh malaki ang ibibigay.

"Namamasko po!"

Kantahan na, sumasabay din ako sa pagkanta pero di lang kasing lakas ng pagkanta ng mga kasama ko; lalo na kung yung paborito ko noon na krismas song, "Joy to the World", hahaha!

Joy to the World , the Lord is come!
Let earth bersing bersing;
Let every heart prepare Him room,
And Heaven and nature sing,
And Heaven and nature sing,
And Heaven, and Heaven, and nature sing.


OK na OK talaga! Pagkabigay ng aguinaldo ay kakanta ulet ng pasasalamat:

Tenkyu! Tenkyu!
Ambabait ninyo.
Tenkyu!


Para sa amin di lahat ng bahay na pinupuntahan namin eh namimigay. May mga pagkakataon na pag kumakanta na kami sa harap ng tahanan eh bigla na lang pinapatay ang ilaw sa loob. Napapasimangot kami, pero bago aalis eh kinakantahan pa rin namin nga awit ng pasasalamat;

Tenkyu! Tenkyu!
Ambabarat ninyo.
Tenkyu!


Hanep! Napapakanta talaga ako pag ganun.

Palibhasa mga bata pa kami noon kaya kahit saang barangay kami napapadpad para lang mangaroling. Hindi kami natatakot sa dilim, pero natatandaan ko na isa lang ang kinakatakutan namin... mga aso! May mga gabi na hinahabol kami ng aso at napapatakbo kami ng mabilisan hanggang hingalin.

"Karera na to, mas mabilis kami sa inyong mga aso!"

Pag malayo na kami ay nagpapahinga at nagtatawanan; alam na namin sa susunod na di na kami pupunta sa bahay na yun kung saan may maraming aso.

Masarap mangaroling, lalo na pag kasama mo mga kaibigan mo. Masaya ako palagi pag umuuwi na kami; pagdating ng bahay eh binibilang ulet ang share ko na pera. Binibigyan ko mga kapatid ko ng tig dalawang piso noon; kasi naipramis ko sa kanila na bibigyan ko sila wag lang silang sumama sa akin. Ang naiiwan eh tinatago ko na lang, gagamitin ko sa araw ng pasko. Masaya ang mga pasko noong bata pa ako.

Gustuhin ko mang balikan at gawin ulet ang pangangaroling tuwing kapaskuhan eh wala na akong oras. Sa bahay na lang ako napapakanta ng mga christmas songs. Ang pangangaroling ay isang paraan para maibahagi natin sa ating mga kapwa ang diwa na kahit walang pera ang tao ay pwede pa rin maging masaya sa pasko.

Tara na at kumanta:

Joy to the World , the Lord is come!
Let earth bersing bersing;


No comments: